Matapos makapagtala ng paglago sa ekonomiya ang bansa sa unang quarter ng taon sa 5.7%, ibinunyag ng pamahalaan ang isang komprehensibong estratehiya upang mapalakas at maging inklusibo ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Bahagi nito, ang pahayag ni Department of Finance (DOF) Secretary Ralph Recto sa pagtutok sa mga growth-enhancing measures at pag-mobilize ng mga resources na layong makakolekta ng target na aabot sa P4.3 trillion para tustusan ang higit sa P5.7 trillion budget para ngayong 2024.
Binigyang diin din nito ang koleksyon ng non-tax revenue tulad ng mula sa mga government-owned or -controlled corporations (GOCCs) na nakitaan ng pagtaas ng kita.
Bukod dito, ibinahagi din nito ang matagumpay na paglikom ng pondo sa pamamagitan ng domestic at global issuances sa paborableng rates. Gayundin ang pagsasagawa ng iba’t ibang interbensyon para tugunan ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin at mga hamon sa agrikultura tulad ng El Niño at inaasahang La Niña.
Dagdag pa rito ang ilang pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang investment at mapabuti ang tax environment sa bansa kabilang ang pagpasa ng mga panukalang batas tulad ng CREATE MORE at pag-streamline ng mga infrastructure projects sa pamamagitan ng EO No. 59 na inisyu ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa huling mga tala, isa ang Pilipinas sa mga ekonomiya sa mga karatig-lugar nito na may pinakamabilis na paglago kasabay ng Vietnam (5.7%) na sinundan ng Indonesia (5.1%), Malaysia (3.9%), at Singapore (2.7%).| ulat ni EJ Lazaro