Nagsampa na ng kasong cyber libel ang kumpanyang Bell-Kenz Pharmaceuticals Inc. laban sa public health advocate na si Dr. Tony Leachon kaugnay ng mga naging akusasyon nito laban sa kumpanya.
Inihain ang kaso sa tanggapan ng NBI Cybercrime Division sa pamamagitan ng mga legal counsel ng Bell-Kenz.
Ayon kay Atty. Dezery Perlez, Bell-Kenz Pharma, Inc. legal counsel at spokesperson, labis na malisyoso at walang basehan ang mga paratang ni Leachon sa kumpanya kabilang na ang umano’y “multi-level marketing scheme” nito.
Tinukoy ng kumpanya ang mga social media posts ni Dr. Leachon kabilang ang umano’y pag-recruit ng kumpanya sa ilang doktor para i-reseta ang kanilang mga produktong gamot kapalit umano ng regalong luxury car at biyahe sa ibang bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Joseph Vincent Go, Legal Counsel at Corporate Secretary na nakasira sa integridad at operasyon ng kumpanya ang mga naging akusasyon laban sa Bell-kenz.
Maging ang kanilang mga produkto at mga gamot ay nadamay na rin aniya.
Una nang humarap sa senado ang mga opisyal ng kumpanya para sa ikinasang imbestigahan sa naturang akusasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa