Pag-uusapan pa ng mga senador sa isang all-member caucus ang mga committee chairmanships ng Senado kasunod ng naging balasahan sa Senate leadership kahapon.
Ayon kay Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero, maging ang minority bloc ay imbitado sa gagawin nilang pagpupulong bukas tungkol sa chairmanship ng mga kumite.
Matatandaang kasabay ng balasahan sa Senate leadership ay nabakante ang ilang kumite ng Senado dahil sa pagbibitiw sa pwesto ng ilang mga senador.
Si Senador Sonny Angara, binitiwan na ang pinamumunuan niya noong Committee on Finance, Committee on Youth at subcommittee on Constitutional Amendments.
Si Senadora Nancy Binay, nagbitiw bilang chairperson ng Committee on Accounts, Committee on Tourism at Committee on Ethics.
Habang ngayong hapon ay nagbitiw na rin sa kanyang chairmanship ng Senate Committees on Local Government at Urban Planning, Housing and Resettlement si Senador JV Ejercito.
Si Escudero naman na Senate President na ngayon ay kailangan nang bitiwan ang pinamumunuan niyang Committee on Higher Education.
Tiniyak naman ni Escudero na konti na lang ang kanilang gagalawin sa mga kumite.
Natanong rin ang senador kung mananatili kay Senador Bato dela Rosa ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na tumatalakay ngayon ng isyu tungkol sa “PDEA leaks.”
Ayon sa Senate leader, hindi naman ito magbabago at katunayan ay mayroon pang kinokonsiderang isa pang kumite si Senador Bato.| ulat ni Nimfa Asuncion