Lumagda sa kasunduan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) upang paigtingin ang kakayahan ng mga komunidad sa epekto ng climate change.
Ito ay sa ilalim ng Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished).
Kung saan ang mga benepisyaryo ay sasailalim sa pagsasanay sa disaster risk reduction, climate change adaptation, at practical skills para water harvesting, gardening, at iba pa.
Ang mga partner-beneficiary ng Project LAWA at BINHI ay makatatanggap ng daily minimum wage rate na ₱470.
Pinangunahan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang paglagda sa Memorandum of Understanding kaninang hapon sa tanggapan ng DSWD sa Quezon City.
Ayon kay Secretary Gatchalian, nasa 140,000 ang target na mabenepisyuhan ng naturang mga programa sa buong bansa ngayong taon at ito ay may pondo na ₱1.4-billion sa kanilang disaster preparedness fund.
Sa panig naman ng DOLE, sinabi ni Secretary Laguesma na ikinalulugod niya ang pagtutulungan ng dalawang ahensya dahil nakikita niya ang sustainability ng programa na isasagawa muna sa walong rehiyon. | ulat ni Diane Lear
📸: DSWD