Pinuri ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. sa ipapatupad ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na suspensyon ng koleksyon ng toll sa ilang bahagi ng Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX).
Ang 30-day suspension na ito ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kahapon.
Ayon kay Revilla, makakatulong ito ng malaki sa publiko, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nagpasalamat rin ang senador kay Pangulong Marcos dahil batid aniya ng Punong Ehekutibo ang kalagayan ng ating mga kababayan, lalo na ang mga ordinaryong mamamayan na makakatipid mula dito.
Samantala, ikinagagalak rin ng Senate Committee on Public Works chairman ang tuloy-tuloy na infrastructure development sa buong pilipinas, lalo na sa Cavite at Southern Luzon.
Kaugnay nito ay hiningi rin ng mambabatas ang pang-unawa ng publiko sa posibleng abala na idulot ng mga itinatayong imprastraktura, gaya ng expressway links at LRT Line 1 extension.
Tiniyak ni Revilla na papaalalahanan niya ang DPWH at ang mga contractor na maging episyente at on time sa konstruksyon.| ulat ni Nimfa Asuncion