Hihingi ang Senado ng dagdag na detalye tungkol sa desisyon ng Pilipinas na payagan ang hiling ng Estados Unidos na payagan ang pansamantalang pagpapatuloy sa bansa ng limitadong refugees mula sa Afghanistan.
Ayon kay Escudero, sa gagawing pagdinig ng panukalang 2025 budget ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay tatanungin nila ang usaping ito.
Sa pagkakaunawa aniya ng Senate leader, pansamantala lang ang arrangement na ito at babalik din sila sa kanilang pinanggalingan.
Magiging ‘processing area’ lang aniya tayo ng special immigrant visa ng Afghan refugees para makapasok sa US.
Ang ahensya lang kasi aniya ang nakakaalam ng detalye nito bilang isa itong kasunduan na pinasok ng ehekutibo at hindi na dadaan pa ng Senado.
Pinaliwanag ng Senate President na ang ganitong mga pansamantalang kasunduan ay hindi na kailangan ng ratipikasyon ng Senado hindi katulad ng pangmatagalang international treaty o agreement na pinapasok ng bansa na nangangailangan pa ng ratipikasyon o pagsang-ayon ng Mataas na Kapulungan. | ulat ni Nimfa Asuncion