Ligtas na sa human consumption ang mga isda mula sa ilang karagatan sa Cavite matapos ang oil spill sa Limay, Bataan.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, nakapasa na sa tatlong magkasunod na sensory evaluation ang mga sample ng isda sa karagatan ng Naic, Ternate, Kawit at Maragondon.
Isinagawa ito ng BFAR mula sa buwan ng Agosto 7 – 21, 2024.
Samantala, ang mga isda naman sa limang karagatan ng Bacoor City, Cavite City, Noveleta, Rosario, at Tanza ay nananatiling hindi pa ligtas kainin.
Kailangan pang maipasa nito ng tatlong magkasunod na pagsusuri sa mga sample ng isda bago maideklarang ligtas kainin.
Ang mga isda at iba pang seafood products sa mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga, Batangas, at Metro Manila ay nauna nang ideneklarang ligtas sa human consumption.
Pagtitiyak pa ng BFAR na magpapatuloy ang kanilang isinasagawang on-ground monitoring at assessment sa mga potensyal na affected fishing area at sa mga komunidad sa paligid ng Manila Bay. | ulat ni Rey Ferrer