Puspusan ang isinasagawang siphoning operations ng mga awtoridad para sa lumubog na MTKR Terranova sa Limay, Bataan para ma-recover ang nasa 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil na dala nito.
Gamit ang ang booster pumps na nagpabilis ng siphoning ng langis, nakakapag-extract na sa ngayon sa bilis na 11,600 litro kada oras o katumbas ng mahigit 178,000 litro ng nakolektang langis ang kinontratang salvor ship na Harbor Star, ayon Philippine Coast Guard (PCG). Kasalukuyang naghahanda na rin ang PCG para naman sa refloating ng MTKR Jason Bradley na lumubog sa katubigang sakop ng Mariveles.
Samantala, nasa proseso na rin ang PCG sa paghahain ng kasong administratibo laban kay Mary Jane Ubaldo, may-ari ng MV Mirola 1, na sumadsad sa Mariveles, Bataan at nagdulot ng oil leak sa lugar.
Ayon kay Lieutenant Commander Michael John Encina, commander ng PCG Bataan Station, na-stabilize at na-secure na ang MV Mirola 1 kasabay ng paggamit ng oil spill booms kahit wala na itong laman na langis bilang bahagi ng security measures.
Sinasabing tumakas nang walang clearance ang MV Mirola 1 mula sa PCG sa Navotas port bago sumadsad sa Bataan.| ulat ni EJ Lazaro