Binigyang diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na tinutugunan ng gobyerno ang pangangailangan ng mga sinalanta ng Bagyong Enteng gayundin ang gagawing pagsasaayos sa mga iniwang pinsala nito.
Sa statement na inilabas ng Chief Executive, sinabi nitong bukod sa higit P16 na milyong halaga ng tulong mula sa DSWD na naipamahagi na ay mayroon pang standby funds na aabot sa P65.56 milyon at may P2.60 bilyong halaga ng food at non-food items.
Tuloy-tuloy din ayon sa Pangulo na kumikilos ang rescue teams na kung saan, mahigit 63,000 na ang ligtas na nailikas sa 452 evacuation centers.
Dagdag pa ng Chief Executive na bukod sa mga naka-preposisyon nang mga gamit para sa clearing operation ay sinisikap na ring maibalik ang power supply sa mga lugar na nawalan ng kuryente.
Kasabay nito’y ang panawagan sa mga LGU na agad na tugunan ang waste management issue na maiiwan ng bagyo at makakatulong aniya nila dito ang DPWH para masimulan na ang clearing operations ng mga apektadong kalsada. | ulat ni Alvin Baltazar