Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na formal request mula sa gobyerno ng Indonesia tungkol sa impormasyong may hinihiling silang kapalit para mai-turn over sa Pilipinas si dating Mayor Alice Guo.
Matatandaang ang Indonesian authorities ang nakahuli kay dating Mayor Alice sa Jakarta, Indonesia kahapon.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Atty. Isser Josef Gatdula, Assistant City Prosecutor ng DOJ, na maituturing pang ‘unverified report’ ang impormasyong ito bilang wala pang pormal na request mula sa Indonesian government.
Ipinaliwanag din ni Gatdula na mayroon namang extradition treaty ang Pilipinas sa Indonesia kaya pwede nilang i-accommodate ang request na ito kung sakali.
Matatandaang base sa naunang impormasyon ay hinihiling umano ng Indonesia ang kustodiya ng Australian drug lord na si Gregor Haas kapalit ni dating Mayor Alice Guo. | ulat ni Nimfa Asuncion