Sang-ayon si Senate President Chiz Escudero sa hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na alisin ang transaction fee sa mga personal na transaksyon at bayad sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Sinabi ni Escudero na bagamat binabalewala lang ng ilan ang transaction fee sa bawat fund transfer, kung susumahin aniya ay malaking halaga rin ang kalalabasan.
Ipinunto ng senador na base sa regulator report, ang indibidwal na transaksyon na sinisingil ng isang kumpanya ay maaaring umabot ng hanggang ₱75 habang ang ilan ay umaabot ang singil sa ₱600.
Kasabay ng pagiging mas ‘in demand’ ng paggamit ng digital payment at electronic fund transfer, dapat aniyang magpatupad na rin ng mga bago at nararapat na mga regulasyon.
Para sa senador, solid at hindi matatawaran ang lohika sa likod ng panawagan na huwag mangolekta ng fees sa mga person-to-person digital money transfer para sa personal, family o household purposes.
Umaasa pa si Escudero na mas mapapalawak at mapataas ang threshold para sa zero fees para mas maraming consumer ang makinabang at mas dumami pa ang gumamit ng digital payments. | ulat ni Nimfa Asuncion