Patuloy ang pag-arangkada ng huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa Manila Hotel Tent City ngayong araw para sa Halalan 2025.
Isa sa mga maiinit na pangalan na naghain ng COC ay ang nakaditene sa kasalukuyan na si Pastor Apollo Quiboloy at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), na pormal na naghain ng kanyang COC para sa pagkasenador. Sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Atty. Mark Tolentino.
Sa pamamagitan ni Atty. Tolentino ipinahayag ni Quiboloy ang kanyang plataporma, na nakasentro sa pagiging maka-Diyos at maka-Pilipino. Ayon sa kanya, bibigyan niya ng proteksyon ang mahihirap at manggagawa, at nakatuon din ang kanyang adbokasiya sa edukasyon. Tinagurian pa si Quiboloy bilang “Senador ng mga Mahihirap.”
Samantala, isa pang Magsasaka party-list ang naghain din ng kanilang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) ngayong araw. Ayon kay Leonardo Montemayor, ang kanilang first nominee, sila umano ang lehitimong kinatawan ng mga magsasaka. Umabot na sa Korte Suprema ang kaso ng grupo ukol sa mga lehitimong Magsasaka party-list.
Nagpasa rin ng kanyang COC para sa pagkasenador si Rep. Eric Martinez. Kasalukuyang kinatawan si Martinez ng Valenzuela 2nd District. Bukod dito, siya ay Vice Chairperson ng Appropriations Committee at dating Deputy Speaker ng Kamara.| ulat ni EJ Lazaro