Target ng Department of Agriculture (DA) na magtayo ng 1,500 na Kadiwa ng Pangulo stores sa buong bansa upang marami pang Pilipino ang makabili ng abot-kayang pagkain at pangunahing bilihin.
Layon din nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na direktang ibenta ang kanilang mga ani sa mga mamimili.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, nais din ng ahensya na lumaki ang kita ng mga magsasaka at mangingisda para lalo silang ma-engganyo na mag-produce pa.
Samantala, simula bukas (October 11) ilulunsad naman ng DA ang P43 na kada kilo ng bigas sa mga Kadiwa ng Pangulo stores, ito ay P5 na mas mababa rin kaysa P48 kada kilo ng well-milled rice sa mga pamilihan.
Bukas ito para sa publiko at walang limit ang pagbili ng bigas kada kilo.
Sa ngayon, nasa 41 na ang Kadiwa ng Pangulo stores na nagbebenta ng murang pagkain at bigas at magbubukas pa ng karagdagan 20 Kadiwa stores sa iba’t ibang lokasyon sa Metro Manila at sa Calamba, Laguna. | ulat ni Diane Lear