Naniniwala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi gagamitin ng ilang politiko ang panahon ng Undas 2024 para sa pangangampanya at pamumulitika.
Sa pulong balitaan sa Pasig City, sinabi ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na naniniwala siyang mayroong “sense of decency” ang mga politiko at hindi nila pagsasamantalahan ang panahon ng Undas.
Ayon kay Artes, ang naturang okasyon ay para alalahanin at magbigay galang sa mga namayapa nating mahal sa buhay.
Nanawagan din ang opisyal sa mga politiko na tumulong na panatilihin ang kaayusan sa mga sementeryo at hindi mangampanya.
Dagdag pa ni Artes na ang ganitong mga aktibidad ay maari ring bumalik sa politiko dahil maaaring itong ma-bash sa social media.
Nilinaw naman ng MMDA na papayagan pa rin nilang maglagay ng tent ang mga politiko na nais tumulong at magbigay ng pagkain o inumin sa Undas basta’t ito ay susunod sa alitutunin ng lokal na pamahalaan. | ulat ni Diane Lear