Naipamahagi na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang 2,500 family food packs sa iba’t ibang bayan sa lalawigan na naapektuhan ng Bagyong Kristine.
Ayon sa impormasyong nakalap ng RP1 Lucena sa PSWDO, 5,000 family foods packs ang ipinahanda ni Governor Helen Tan bago pa man dumaan ang bagyo.
Bawat isang food pack ay nagkakahalaga ng ₱400-₱500, at naglalaman ng tig-dadalawang lata ng sardinas, meat loaf at corned beef, at tatlong pakete ng instant coffee.
Bukod dito, 21,000 packs ng bigas ang nakahandang ipamahagi, kung saan ang bawat pack ay naglalaman ng tatlong kilong bigas.
Kasama sa ipamimigay ang inuming tubig.
Ayon naman sa pabatid ng DSWD Field Office IV-A, nasa dalawang libong pamilya ang pansamantalang naninirahan sa 185 evacuation centers sa mga lalawigan ng Laguna at Quezon.
Karamihan sa kanila ay mula sa 31 na bayan sa Quezon.
Tuloy-tuloy ang balidasyon ng DSWD at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal, upang matukoy ang mga pangangailangan at makapagbigay ng nararapat na tulong sa mga apektadong pamilya at komunidad.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng RP1 Lucena sa Quezon PDRRMO ay nabatid na dalawa ang nasawi sa Quezon, ngunit kukumpirmahin pa kung may kaugnayan ito sa Bagyong Kristine.
Kabilang dito ang isang taong gulang na batang lalaki sa San Andres, na nalunod matapos mahulog sa kanal at tangayin ng agos ng tubig.
Ang isang nasawi ay 56 years old na ginang sa Tagkawayan, na nalunod matapos madulas sa tulay at mahulog sa ilog.
Parehas nangyari ang mga insidente noong October 22. | ulat ni Carmi Isles | RP1 Lucena