Aminado si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na maaaring magamit laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga naging pahayag nito sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Subcommittee tungkol sa war on drugs noong Lunes.
Ito lalo na aniya’t under oath ito sinabi ng dating pangulo.
Sinabi ni Dela Rosa na tiyak namang alam ni Duterte ang implikasyon ng mga sinabi niya sa Senate hearing dahil abugado rin ito at dating piskal.
Depende na aniya sa dating presidente kung paano nito dedepensahan ang kanyang sarili.
Pinunto ng senador na mismong si Duterte na ang naghikayat sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na imbestigahan siya at kasuhan ng kaso kung maaari.
Samantala, isandaang porsyento namang itinanggi ni Dela Rosa na bahagi siya o naging commander ng ‘death squad’ noon sa Davao.
Ayon sa senador, nagbibiro lang si Duterte nang sabihin niyang mga dating commander ng ‘death squad’ ang ilang mga naging hepe ng pambansang pulisya, kasama siya.
Malinaw aniya sa kanyang joke lang ito ng dating pangulo pero nasa kumite na kung paano nila uunawain ang pahayag na ito ni Duterte.| ulat ni Nimfa Asuncion