Sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad, nanawagan ang AGRI Party-list para sa agarang pagsasabatas ng panukalang palawakin ang saklaw ng crop insurance, upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasakang madalas nawawalan ng ani dahil sa mga bagyo at iba pang sakuna.
Layon ng House Bill (HB) No. 7387, na palawakin ang serbisyo ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at hikayatin ang partisipasyon ng pribadong sektor sa agricultural insurance.
Ang HB 7387 ay naaprubahan sa 3rd at final reading sa Kamara noong Marso 2023, at kasalukuyang nakabinbin sa Senado.
Panawagan ng mambabatas sa Senado na agad na isabatas ang panukalang para proteksyunan ang kabuhayan ng mga magsasaka tuwing may kalamidad.
Hinimok din ng AGRI ang PCIC na paigtingin ang kampanya nito upang mas maraming magsasaka ang mahikayat na magpatala sa crop insurance.
Hinihikayat din nito ang PCIC na maging mas aktibo sa pag-abot sa mga magsasaka, tulad ng pag-deploy ng mga mobile office sa mga lugar na labis na naapektuhan ng mga bagyong dumaan nitong mga nakaraang linggo.
Idiniin din ng grupo ang kahalagahan ng pagpapalawak ng insurance coverage upang makamit ang seguridad sa pagkain. | ulat ni Melany Reyes