Para kay Sen. Risa Hontiveros, sapat na ang alokasyong pondo para sa Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon, sa ilalim ng tinatalakay nilang 2025 National Budget.
Sa ilalim kasi ng 2025 General Appropriations Bill (GAB) na mula sa kamara na in-adopt ng senado, nasa 733 million pesos lang ang ibinibigay na pondo para sa OVP.
Higit 1 billion pesos ang ibinawas mula sa 2.03 billion pesos na orihinal na alokasyon dito sa ilalim ng 2025 NEP o ang budget na nagmula sa ehekutibo.
Paliwanag ni Hontiveros, ang mga OVP naman noong mga nakaraang administrasyon ay nakapag operate sa parehong lebel ng budget na ibinibigay ngayon sa opisina ni Vice President Sara Duterte.
Sang ayon rin ang senadora na repetition lang ng mga kasalukuyang programa ng ibang ahensya ng gobyerno ang ilang mga proposed programs ng OVP.
Nang matanong naman tungkol sa 200 na empleyado ng OVP na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa budget cut, sinabi ng senadora na hihingin niya muna ang detalye nito.
Saka aniya titimbangin ni Hontiveros kung maganda ang rason para hindi mabawasan ang budget ng OVP. | ulat ni Nimfa Asuncion