Sa layong mapalawak pa ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan para sa mga Malabueño, isang bagong “LAB for ALL” medical van ang tinanggap ng pamahalaang lungsod ng Malabon ngayong araw.
Pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang pagpapasinaya sa medical van kasama si Presidential Son William Vincent “Vinny” Marcos, Newport World Resorts Foundation Executive Director at Trustee na si Atty. Walter Mactal; at Ospital ng Malabon Chief Dr. Jennifer Amolo Lim.
Ang naturang medical van ay bahagi ng programang Lab for All ni First Lady Liza Araneta Marcos na layong makalaghatid ng libreng laboratoryo, konsultasyon, at gamot para sa lahat.
Tampok sa medical van ang iba’t ibang kagamitan para sa laboratory tests kabilang ang Hematology analyzer (para sa Complete Blood Count o CBC), Chemistry analyzer (para sa blood chemistry tests), x-ray, ultrasound, at electrocardiogram (ECG) machines.
Nagpasalamat naman si Mayor Jeannie sa unang ginang sa pagpili sa Malabon bilang isa sa mga beneoisyaryo ng medical van.
Aniya, malaking tulong ito para mas mailapit ang serbisyong medikal sa mga residente.
“Ang LAB for All Medical van ay malaking tulong para sa mga Malabueño dahil nailalapit nito ang mga serbisyong medikal sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan. Sa susunod ay makikita niyo na ang van na ito na umiikot sa ating lungsod upang makatulong sa inyo. Makakaasa kayo na mas marami pang serbisyong pangkalusugan ang ating gagawin upang masigurong malusog ang Malabueñp tungo sa progreso at pag-unlad.”