Isang kwentong barbero lamang at imahinasyon ang claim ni Vice President Sara Duterte na may nagtatangka sa kanyang buhay.
Ito ang reaksyon ni House Majority Leader at Zamboanga Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe sa sinabi ng pangalawang pangulo na gusto umano siyang patayin ni House Speaker Martin Romualdez.
Anya wala itong sapat na batayan at produkto lamang ng kanyang imahinasyon, upang ilihis ang issue ng hindi tamang paggamit ng kanyang confidential fund sa OVP at DepEd, sa ilalim ng kanyang pamumuno na nagkakahalaga ng mahigit P700-million.
Dagdag pa ng House Leader, hanggang sa ngayon, hindi pa rin maipaliwanag ng pangalawang pangulo kung saan napunta ang kanyang confidential fund bagay na pinuna ng Commission on Audit.
Nanawagan ang Zamboanga solon sa taumbayan na huwag magpadala sa walang basehang mga paratang ng pangalawang pangulo, na ang layunin lamang ay upang i-divert ang issue ng kanyang confidential fund. | ulat ni Melany Reyes