Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng “libreng sakay” sa mga commuter sa gitna ng isasagawang nationwide transport strike sa susunod na linggo.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, laging ginagawa ito ng PNP sa mga panahong inaasahang mahihihirapan sa pagsakay ang mga commuter lalo na sa Metro Manila.
Ipinag-utos na aniya ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na i-standby ang lahat ng mobility assets ng PNP para maasistehan ang mga commuter na walang masakyan.
Nakipag-coordinate na rin aniya ang PNP sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs) para sa libreng sakay sa kani-kanilang nasasakupan.
Ang isang linggong nationwide strike na magsisimula sa March 6 ay inaasahang lalahukan ng iba’t ibang transport groups bilang pagtutol sa napipintong phase-out ng mga tradisyonal na jeepney. | ulat ni Leo Sarne