Aprubado na sa Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga sa puwesto ng ambassador ng Pilipinas sa New Zealand na si Kira Christianne Azucena at 14 pang foreign service officials ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Binigyang-diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na mahalaga ang posisyong hahawakan ni Azucena lalo na’t aprubado na ng Senado ang pagsali ng Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Isa ang New Zealand sa mga bansang kalahok sa RCEP.
Ang mga DFA officials naman na kasamang nakumpirma ay may posisyong Chief of Mission, Chief of Mission Class II, Career Minister, at Foreign Service Officer Class I.
Samantala, ipinagpaliban naman ang pag-apruba sa nominasyon kay Bienvenido Tejado bilang embahador ng Pilipinas sa Papua New Guinea.
Ipinagpaliban ito matapos hindi makuntento ang CA panel sa mga sagot ni Tejado sa mga kasong nakasampa laban sa kanya.
Napag-alaman na sinampahan ng kasong sexual assault ang opisyal ng kanyang dating kasambahay dagdag pa ang sumbong ng hindi tamang pagpapasweldo.
Bukod dito, kinasuhan din siya ng rape sa Paranaque City ng kanyang 12 taong gulang na apo sa pamangkin subalit na-dismiss dahil sa technicality. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion