Matapos ang walang humpay na pag-ulan dulot ng low pressure area na naranasan sa rehiyon ng Caraga nitong mga nakaraang araw, iniulat ng Office of Civil Defense o OCD Caraga na may kabuuang 55,082 indibidwal o 14,714 pamilya sa Caraga ang lubhang naapektohan sa pagbaha.
Ayon kay Ronald Anthony Briol, tagapagsalita ng Office of Civil Defense Caraga, na ang Butuan City ang may pinakamataas na bilang ng mga evacuees na umabot sa 19,979 indibidwal pero nagsiuwian na ang ilang mga evacuees sa kani-kanilang bahay.
Base sa situational report ng OCD Caraga, mahigit 1.7 milyong pisong halaga ng family food packs ang ipinamahagi ng mga lokal na pamahalaan para sa mga evacuees.
Nagpapasalamat din ang OCD Caraga sa mga miyembro ng Caraga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, kabilang ang mga partner agencies nito sa ginawang rescue operation sa mga lugar na naapektohan ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa ngayon, nasa blue code alert status ang Caraga RDRRMC at Local DRRMCs dahil makararanas pa rin ng localized thunderstorms ang Caraga region kaya’t pinapayuhan din ang publiko na maging alerto.