Naninindigan ang grupo ng mga katutubo sa Brookeβs Point, Palawan na mapahinto ang pagmimina sa nasabing lugar dahil hindi lamang sinisira ng minahan ang mga kabundukan kundi sinisira rin nito ang kultura ng mga katutubo na nagiging dahilan din ng pagkakawatak-watak ng Indigenous People (IP) sa komunidad.
Ayon sa kinatawan ng mga katutubo sa lugar na si G. Nelson Sumbra, nababahala aniya sila dahil maging ang mga watershed area, na itinuturing nilang sagradong bahagi ng kanilang lupaing ninuno ay tinamaan ng operasyon ng Ipilan Nickel Corp. at maraming puno ang naputol sa lugar.
Dati na aniyang isinasagawa sa mga lugar na ito ang mga ritwal ng kanilang ninuno at dito rin nanggagaling ang kanilang tubig at maging ang mga halamang gamot na ginagamit nila sa tuwing sila ay nagkakasakit.
Dahil rin aniya sa pagmimina ay nahahati ang mga katutubo kaya mas mabuting ihinto na ang mga minahan upang muling mabuo ang IP community sa Brookeβs Point, idagdag pa na kasalukuyang nag-ooperate ito nang walang Mayorβs Permit para sa taong 2023.
Samantala, sinabi naman ni Brookeβs Point Vice Mayor Mary Jean Feliciano na simula nang magkaroon ng minahan sa Brookeβs Point ay dumami rin ang bilang ng mga Panglima o Chieftain sa kanilang lugar na dapat din aniyang ipaliwanag ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Hinihiling rin ng kinatawan ng mga katutubo sa lugar at ni Vice Mayor Feliciano na imbestigahan ito at binigyang-diin nila na ang ang mga totoong panglima sa Brookeβs Point ay tutol sa pagmimina. | ulat ni Lyzl Pilapil | RP1 Palawan