Binisita kahapon ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang Pikit National High School sa Pikit, Cotabato Province, matapos ang sunod-sunod na kaso ng pamamaril sa bayan nitong Pebrero kung saan ilan sa mga naging biktima ay pawang mga estudyante.
Matatandaan na tatlong estudyante ng Pikit National Highschool ang naging biktima ng pamamaril noong Pebrero 14, ngayong taon na labis ikinababahala ng mga magulang at guro.
Kahapon, masayang sinalubong ng mga mag-aaral ang Bise Presidente at tila nawala ang takot ng mga ito sa mga krimeng nangyayari sa kanilang lugar.
Photos: Farok Mamasalagat
Sa panayam ng Radyo Pilipinas sa isang grade 11 student na si Shian Daniel, masaya siyang makita ang opisyal sa kanilang paaralan at umaasa ang mga ito na masolusyunan na ang patayan sa kanilang bayan.
Bukod sa Pikit National High School, dumalaw din ng bise president sa Pikit Central Elementary School.
Personal na kinausap ni VP Sara ang ilang mga mag-aaral para bigyan ng inspirasyon na magpatuloy sa pag-aaral sa kabila ng mga hamong pangsiguridad na kinakaharap ngayon ng kanilang bayan.
Inalam din ng opisyal ang mga pangangalilangan ng mga guro sa kanilang paaralan at nangakong tutugunan ang mga ito.
Maliban sa North Cotabato, nagtungo rin si VP Sara o sa mga piling paaralan sa Tacurong City, Sultan Kudadat at General Santos City sa South Cotabato. | ulat ni Brex Nicolas