Nagkasundo ang Philippine Coast Guard (PCG) at si Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na magpatupad ng cash-for-work program mula sa isinagawang coordinating meeting patungkol sa oil spill response operations at future action plans, ngayong Miyerkules, Marso 8, 2023.
Sinang-ayunan ng mga opisyal na kumuha ng isang tao sa bawat pamilya mula sa lahat ng apektadong munisipalidad sa baybayin sa ilalim ng programang cash-for-work ng pamahalaan.
Isang malawakan at sabay-sabay na paglilinis ng baybayin ang isasagawa sa araw ng Biyernes, Marso 10, 2023.
Naglapat ang BRP Bagacay (MRRV-4410) ng mahigit isang libong litro ng oil dispersant sa paligid ng tubig ng Naujan, Oriental Mindoro.
Samantala, nangolekta naman sa mga shoreline ang clean-up teams, LGU representatives, at volunteers ng ilang sako ng oiled debris sa Pola, Oriental Mindoro. | ulat ni Paula Antolin