Pinuna ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang Bureau of Immigration (BI) dahil sa mga napaulat na kaso ng offloading ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kabilang sa mga ipinunto ng senador ang isang viral video ng isang pasahero na papunta sanang Israel, kung saan isinailalim siya ng isang Immigration Officer (IO) sa aniya ay walang katuturang pagtatanong na umabot pa sa paghingi ng IO ng school yearbook ng pasahero.
Dahil dito ay naiwan ang pasahero ng kanyang flight.
Marami na rin aniyang ganitong mga katulad na mga kwento.
Sinita ni Revilla ang inilabas na statement ng BI, kung saan ipinagmalaki pa na nasa mahigit 30,000 pasahero na ang kanilang in-offload noong 2022, pero sa bilang na ito 472 lang ang may kaugnayan sa human trafficking, 873 ang umano ay nag-misrepresent sa kanila, at 10 ang mga menor de edad.
Giit ng senador, lumalabas na wala pang 4.2 percent ang in-offload nang may basehan, at ang mas nakakagalit aniya ay 1.45 percent lang sa kabuuang bilang ang konektado sa human trafficking.
Aniya, madaming oras at pera ng mga pasahero ang nasayang dahil sa mga walang katuturan na offloading, at daig pa ng BI ang korte sa lawak ng discretion at authority nila para harangin ang biyahe ng mga pasahero.
Kung hindi aniya aayusin ng BI ang kanilang sistema at ang problemang ito ay mas mainam pang magbitiw na sa mga pwesto ang mga opisyal nito. | ulat ni Nimfa Asuncion