Sinimulan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-deploy ng karagdagang tropa sa Negros Oriental, kasunod ng send off ceremony sa Barangay Salag, Siaton, Negros Oriental kahapon.
Ayon kay AFP Visayas Command (VISCOM) Commander Lieutenant General Benedict Arevalo ang mga tropang dineploy ay mula sa anim na batalyon, ang
11th; 94th; 79th; 62nd; 15th; at 47th Infantry Battalion.
Idineploy ang mga tropa sa 2nd at 3rd District ng Negros Oriental para tumulong sa Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng Joint Law Enforcement Operations tungo sa agarang paghuli sa mga nalalabing suspek sa brutal na pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Alinsunod ito sa kautusan ni Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge, Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. at AFP Chief of Staff, General Andres Centino, kasunod ng paglikha ng Joint Task Force Negros para sa pagpapatupad ng peace and order sa lalawigan.
Sinabi ni Lieutenant General Arevalo na ang presensya ng karagdagang tropa ay makatutulong din na mapanumbalik ang kumpiyansa ng mga mamamayan, at ma-enganyo ang mga posibleng testigo sa iba pang insidente ng karahasan sa lalawigan na lumutang na. | ulat ni Leo Sarne
?: VISCOM