Kapwa inanunsyo nila Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge, Senior Undersecretary Carlito Galvez Jr. at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino ang pagbuo nila ng isang Special Joint Task Force.
Ito’y para tumulong sa ginagawang pagtugis ng Philippine National Police (PNP) sa iba pang mga salarin sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa na kasalukuyang at large pa rin.
Ayon kay Galvez, ginawa ang nasabing hakbang alinsunod sa atas sa kanila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang manhunt operation sa iba pang salarin sa pagpatay kay Degamo.
Gayundin ay para tutukan ang serye ng karahasan sa iba pang mga lugar kung saan, biktima ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan.
Ang bawat brigada ay binubuo ng tatlong batalyong sundalo na permanente nang nakahimpil sa Negros Island at daragdagan pa ito ng may anim na batalyon para tumulong sa mga ikakasang operasyon ng PNP.
Tiniyak din ni Galvez ang seguridad ng pamilya Degamo gayundin ng iba pang nasawi sa pananambang at nangakong gagawin ang lahat ng mga pamamaraan upang mabilis na maresolba ang krimen. | ulat ni Jaymark Dagala
?: PNA