Kapwa kinondena ni Department of National Defense Officer In Charge Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. at US Defense Secretary Lloyd J. Austin III ang grey-zone activities ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay sa pag-uusap ng dalawang opisyal kahapon sa telepono, matapos ang paglulunsad ng $24 milyong sa Basa Airbase runway rehabilitation project, na isa sa mga proyekto sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa pag-uusap ni Galvez at Austin, kapwa nagpahayag ng pagkabahala ang dalawang opisyal sa pag-masa ng 40 barko ng China, kabilang ang isang People’s Liberation Army (PLA) ship sa loob ng 12-mile nautical territory ng Thitu o Pag-asa island, ngayong buwang ito.
Kasunod ito ng insidente noong nakaraang buwan, kung saan tinutukan ng military-grade laser ng PRC Coast Guard ang isang Philippine Coast Guard vessel na legal na nag-ooperate sa West Phil. Sea.
Ayon sa dalawang opisyal, ang mga aktibidad na ito ng China ay nakakasagabal sa kabuhayan ng mga Pilipino, at humahadlang sa karapatan ng ibang mga bansa na legal na kumilos sa South China Sea alinsunod sa 2016 Arbitral Ruling. | ulat ni Leo Sarne