Pinangunahan ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Maria Rosario Singh-Vergeire ang Inter-Agency Committee on Environmental Health (IACEH) upang talakayin ang mga paraan na magpapalakas sa mga hakbang para matugunan ang mga umuusbong na isyu sa kapaligiran na nakakaapekto sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Kabilang sa tinalakay ang mga isyu ng mga lugar na apektado ng oil spill sa katubigang nakapalibot sa Oriental Mindoro. Pinag-usapan rin maging ang mga update patungkol sa kaso ng diarrhea na naiulat sa San Carlos City, Negros Occidental.
Binigyang-diin sa pulong ang Department Circular No. 2023-0093 na inisyu ng DOH sa Guidance for Responders and Volunteers on the Use of Personal Protective Equipment (PPE) for Oil Spill Response.
Sumang-ayon naman ang komite na dagdagan ang sukat ng chlorine mula sa pinagmumulan ng tubig na aabot sa mga kabahayan.
Maglalagay ng mga chlorine injector sa mga pinagmumulan ng tubig sa bukal, at ipagpapatuloy ang pagsubaybay sa kalidad ng tubig para makaiwas sa insidente ng pagdudumi sa Negros Oriental. | ulat ni Paula Antolin