Wala munang face-to-face, sa halip ay modular at online classes ang ipatutupad sa Lucena City mula March 6-10, 2023 kaugnay ng magaganap na isang linggong tigil pasada ng ilang transport groups.
Ito ay para sa lahat ng public at private elementary at high schools sa lungsod batay sa Memorandum No. 2023-041 na ipinalabas ni DepEd Lucena City Schools Division Superintendent Hermogenes Panganiban.
Kaugnay nito, hinikayat din ni CSDS Panganiban ang lahat ng mga paaralan sa lungsod na ipaalam sa publiko na hindi suspendido ang mga klase sa kabila ng transport strike.
Samantala, inaatasan din ang lahat ng paaralan na i-monitor ang mga guro upang matiyak na magagampanan ang kanilang tungkulin na patuloy na makapagturo sa mga mag-aaral sa kabila ng distance learning modalities. | ulat ni Carmi Isles | RP1 Lucena