Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na maaaring makipagtulungan ang gobyerno ng Pilipinas sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos, kung may malakas na ebidensya laban kay Negros Oriental 3rd District Representative Arnulfo Teves Jr. na susuporta na akusasyong siya ang mastermind ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito ay kung nananatili pa rin sa Estados Unidos si Rep. Teves.
Ayon kay Zubiri, pwedeng kanselahin ng gobyerno ang passport ni Teves kung may mailalabas na warrant of arrest laban sa kanya, at saka maaaring makipag-ugnayan ang Pilipinas sa FBI para mapabalik si Teves dito sa ating bansa.
Binigyang diin ng senate president, na ang mahalaga ay harapin ng mambabatas ang mga paratang laban sa kanya at sagutin o magpresinta ito ng kontra ebidensya sa akusasyon.
Kinumpirma rin ng senate leader, na taong 2020 pa nanghihingi ng dagdag na security ang pinaslang na gobernador dahil may natatanggap na itong death threats ng mga panahong iyon.
Kaya naman kasabay nito ay nanawagan rin si Zubiri sa Philippine National Police (PNP), na magsagawa ng threat assessment at paigtingin ang kanilang presensya sa mga probinsya.
Kailangan na aniyang buwagin ang mga private army, sitahin ang sobrang armadong security ng mga pulitiko, at pag-aralan ang mga naglalabasang paksyon sa pulitika sa mga probinsya lalo na at nalalapit na ang barangay elections. | ulat ni Nimfa Asuncion