Naisumite na ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) ang pangalan ng mga salarin sa pagkamatay ng hazing victim na si John Matthew Salilig na nananatiling at large.
Ito ang inihayag ni PNP Chief, Police General Rodolfo Azurin Jr., kasunod ng kahilingan nila sa DOJ na maglabas ng lookout bulletin laban sa mga ito.
Ayon kay Azurin, makatutulong ito upang hindi makalabas agad ng bansa ang iba pang salarin sa kaso ni Salilig at para na rin sa agaran nilang ikadarakip.
Una nang sinabi ng Laguna Provincial Police Office, na pito sa 18 itinuturing nilang persons of interest sa kaso ni Salilig ang kasalukuyang nasa kustodiya na ng pulisya.
Habang ang isa na kinilala sa alyas na “Sakmal” at sinasabing nagmaneho ng SUV kung saan isinakay ang labi ni Salilig bago ito ibinaon sa Imus, Cavite ang nagpatiwakal. | ulat ni Jaymark Dagala