Magbibigay ng libreng sakay simula sa Lunes, Marso 6 ang Lungsod ng Maynila kasunod ng isasagawang transport strike ng mga pampasaherong jeepney, ito ang inihayag ni Manila City Mayor Honey Lacuna.
Aniya, madaling araw pa lang ng Lunes ay ide-deploy na ang mga tauhan at sasakyan ng Manila local government unit (LGU).
Kabilang sa mga inatasan nito ay ang Manila Police District (MPD) na magde-deploy ng 14 na pick up at tatlong truck.
Maging ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na ide-deploy naman ang 10 bus habang ang Manila Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ay magde-deploy ng 6 na sasakyan.
Narito ang balikang ruta ng libreng sakay ng Manila LGU:
- Vito Cruz Taft hanggang Quezon Blvd.
- Abad Santos hanggang R. Papa sa Rizal Avenue
- Recto Avenue hanggang Sta Mesa, Maynila
- Buendia Taft hanggang Welcome Rotonda
- Monumento hanggang Rizal Avenue
- UN Taft Avenue hanggang P. Ocampo
Ayon sa alkalde, layon niyang huwag mahirapan ang mga papasok sa trabaho. | ulat ni Janze Macahilas