Posibleng umabot sa 60 million doses ng COVID-19 vaccine ang masayang at hindi magamit hanggang ngayong taong 2023 ayon sa Department of Health (DOH).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa COVID-19 vaccine procurement ng pamahalaan, kinumpirma ni DOH Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang computation ni Blue Ribbon Committee Chairperson Francis Tolentino na inaasahang aabot sa 50.74 million doses ang vaccine wastage ngayong taon.
Ito ay dahil sa mga natitira pang inventory ng DOH ng mga COVID-19 vaccine na nakatakda nang mag-expire sa mga susunod na buwan.
Base sa computation ni Tolentino, may 4.36 million doses ng Pfizer adult ang nag-expire na nitong katapusan ng Pebrero, 3 million doses naman sa Pfizer pedia ang mag-eexpire ngayong Marso at Abril, 2.16 million doses ng Sinovac na mag-eexpire sa Setyembre at Oktubre, at dagdag pa na 13,040 doses na Sinovac na maeexpire sa katapusan ng Mayo.
Dagdag ito sa unang naitalang 44 million doses na nasayang at hindi na nagamit.
Nilinaw naman ni Vergeire, na sa September 2023 mag-eexpire ang karamihan sa mga bakunang nasa inventory ng DOH pero sa Mayo ng taong ito ay may 13 thousand doses pang mag-eexpire.
Posible ring madagdag dito ang nasa 6.9 million doses ng mga bakuna, na naka-quarantine pa ngayon dahil hinihintay pa kung ma-eextend ang shelf life ng mga ito.
Tiniyak naman ni Vergeire, na ginagawa ng DOH ang lahat para muling mapaigting ang COVID-19 vaccination, kabilang na ang booster vaccination. | ulat ni Nimfa Asuncion