Kinumpirma ng resulta mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) Animal Disease Diagnostic and Reference Laboratory (ADDRL) na nag-positibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga samples na kinuha mula sa mga baboy na kinatay sa lungsod ng Carcar, sakop ng lalawigan ng Cebu.
Ayon kay Dr. Mary Rose Vincoy, ang head ng provincial veterinary office, na na-detect ang viral DNA mula sa blood samples galing sa mga slaughterhouse na kanilang pinadala bilang bahagi ng kanilang regular na surveillance and monitoring.
Dagdag ni Vincoy na nahalo ang mga kinatay na baboy mula sa mga baboy mula sa isla ng Negros.
Dahil dito, nagpalabas si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ng kautusan hinggil sa pag-ban ng mga produkto mula doon sa loob ng 30 araw o hanggang Abril 5, 2023.
Kinansela na din ang pagbiyahe at pagbigay ng Livestock Transport Vehicle Pass na ibinigay nito sa mga Livestock Transport Vehicles at Reefer Vans mula sa Negros.
Inatasan din ng gobernador ang lahat ng mga alkalde, opisyal ng barangay, mga pulis, Philippine Coast Guard, Cebu Port Authority, Mactan Cebu International Airport Authority at mga operator ng airlines at shipping companies na ipatupad ito. | ulat ni Carmel Matus | RP1 Cebu