Umusad na sa Kamara ang panukala para sa pagtatayo ng evacuation centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.
Sa botong 307 na pabor at isang hindi, pinagtibay ang House Bill 7354 na isa sa mga priority bills ng Mababang Kapulungan.
Ipinapanukala na patayuan ng evacuation centers ang lahat ng 1,488 na munisipalidad at 146 na lungsod sa buong bansa.
Sa paraang ito ay maiiwasan na ang paggamit sa mga eskwelahan bilang evacuation center.
Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) katuwang ang lokal na pamahalaan ang tutukoy sa mga lugar na bibigyang prayoridad sa pagpapatayo ng evacuation center.
Ibabatay ito sa kung gaano kadalas tamaan ng kalamidad ang lugar at dami ng tao na nadi-displace sa nakalipas na tatlong taon.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang mangunguna sa pagpapatayo ng evacuation center na dapat ay kayang lagpasan ang bagyo na may lakas ng hanging hindi bababa sa 300kph at magnitude 8 na lindol.
Sakaling walang matukoy na lugar para pagtayuan ng evacuation center, patitibayin na lamang ang kasalukuyang istruktura na ginagamit bilang evacuation center.
Kabilang naman sa mga pasilidad ng evacuation center ang sleeping quarters; shower at toilet facility para sa babae at lalaki; PWD friendly amenities; isolation o quarantine facility; prayer room at iba pa na maaaring tukuyin ng mga awtoridad. | ulat ni Kathleen Jean Forbes