Naghain si Senate President Juan Miguel Zubiri ng isang panukalang batas na layong taasan ng P150 pesos ang sweldo ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa lahat ng rehiyon sa buong Pilipinas.
Sa pagsusulong ng Senate Bill 2002 o ang panukalang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023, sinabi ni Zubiri na upang magkaroon ng disenteng pamumuhay ay dapat ring magkaroon ng disenteng sweldo ang mga Pilipino.
Sinabi ni Zubiri na kasabay dapat ng pagtaas ng gross domestic product ay dapat na matiyak na mararamdaman ng taumbayan ang paglago ng ekonomiya.
Sa Senado aniya ay naresolba na nila ang collective bargaining ng mga unyon ng empleyado at itinaas ang benepisyo alinsunod sa tumataas na halaga ng mga gastusin.
Dito sa ipinapanukalang wage hike ng Senate President, sasaklawin ang buong pribadong sektor, agricultural at non-agricultural, kahit ano pa ang halaga ng kapital ng mga kumpanya at bilang ng empleyado.
Sa ngayon, ang National Capital Region ang may highest daily nominal wage rate na P570 habang pinakamababa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na P316. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion