Inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7352 o Constitutional Convention Act na magtatakda ng panuntunan sa itinutulak na βhybridβ Constitutional Convention upang amyendahan ang 1987 Constitution.
Sa ilalim nito, ihahalal at itatalaga ang magiging delegado ng Con-con.
Ang elected officials ay magmumula sa existing legislative districts at iboboto kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 30, 2023.
Nasa 20% naman ng kabuuang delegado ay bubuoin ng sectoral delegates na itatalaga ng Senate President at House Speaker.
Kabibilangan ito ng tig-tatlong retiradong miyembro ng hudikatura, akademya, at legal profession, at tig-dalawa mula sa sektor ng mga ekonomista, medical profession, science and technology profession, business sector, labor sector, urban poor, mga magsasaka at mangingisda, indigenous cultural communities, kababaihan, kabataan, mga beterano, kooperatiba, senior citizens at persons with disabilities.
Ang dagdag na sectoral delegate ay maaaring magmula sa basic sector na nakasaad sa RA 8425 o Social Reform and Poverty Alleviation Act.
Bilang kwalipikasyon naman, kailangang ang delegado ay natural born citizen, 25 taong gulang sa araw ng eleksyon o appointment.
Ang elected delegate ay dapat may college degree, rehistradong botante at residente sa distritong tatakbuhan ng hindi bababa sa isang taon bago ang eleksyon.
Hindi naman maaaring maihalal o maitalaga ang sino mang nasintensyahan ng kasong may kaugnayan sa moral turpitude.
Sasapat na rin na mayroong βrecognized knowledge and competenceβ sa Konstitusyon ang delegado.
Kada delegado ay makatatanggap ng P10,000 na per diem sa kada araw na dumalo sa pulong.
Itatakda ang unang pulong ng Con-con alas-10:00 ng umaga ng Disyembre 1, 2023 sa PICC.
Tatagal ang termino ng mga delagado mula Disyembre 1, 2023 hanggang Hunyo 30, 2024.
Obligado namang magsumite ng ulat sa Pangulo at Kongreso ang Con-con sa loob ng 30 araw matapos gawin ang pagbabago o sa Hulyo 30, 2024.
Labinlimang araw mula sa pagiging epektibo ng batas ay dapat nang makapaglabas ang Commission on Elections (Comelec) ng implementing rules and regulations o IRR. | ulat ni Kathleen Jean Forbes