Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na may hawak na silang mahalagang impormasyon hinggil sa kung sino ang mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Gayunman, sa ipinatawag na pulong balitaan kanina sa Pasig City, tumanggi muna si Abalos na pangalanan ito maging ang iba pang mga sangkot sa karumal-dumal na krimen.
Paliwanag ng kalihim, ayaw niyang maapektuhan ang nagpapatuloy na imbestigasyon gayundin ang ginagawang pagtugis sa mga ito ng binuong Task Force Degamo, na kinabibilangan ng pulisya, militar, National Bureau of Investigation (NBI), at iba pang law enforcement agencies.
Sapat na aniya ang ibinigay na P5 milyong reward ng Department of Justice (DOJ) gayundin ang P500,000 mula sa House of Representatives, para sa agarang ikadarakip ng mga salarin.
“Sa mga hindi pa nahuhuli, sumuko na kayo. May nag offer ng reward para sa inyo. Nag extrajudicial confession na ang mga kasama ninyo. Yung nag-utos sa inyo iba utak niyan. Baka bandang huli ipapatay pa kayo,” ani Sec. Abalos.
Kasunod nito, umapela si Abalos sa iba pang mga salarin sa krimen na sumuko na habang nagbanta naman siya sa mastermind na huwag nang tangkaing lumaban pa sa mga alagad ng batas.
“Even the mastermind. Alam kong kilala mo naman kung sino ka eh. Alam mo naman na kung gaano kalaking puwersa itong naghahanap sa iyo at alam mo naman yung mga taong nahuli na namin at anong puwedeng magawa nito laban sa iyo. Sumuko ka na.” wika ni Sec. Abalos. | ulat ni Jaymark Dagala