Matapos makalusot sa kamara ang House Bill 7354 para sa pagtatayo ng evacuation centers sa bawat munisipalidad at lungsod, umaasa si Senator Bong Go na maipasa na rin sa Senado ang bersyon nito ng panukala na mandatory evacuation centers.
Sa pagbisita ng senador sa mga nasunugan sa Brgy. Tatalon, Quezon City, sinabi nitong isinusulong niya sa ilalim ng kanyang panukala ang pagpapalawak sa evacuation centers hindi lang sa mga munisipalidad at lungsod kung hindi hanggang provincial level.
Tinukoy ng senador ang nakikita nitong sitwasyon sa bawat tinutulungang mga nasunugan na laging sa mga paaralan na lang pansamantalang nanunuluyan.
Giit nito, napapanahon nang magkaroon ng mga evacuation center na hindi lamang maayos at malinis kung hindi may maayos ring sanitation at comfort room.
Ngayong araw, pinangunahan ng senador ang paghahatid ng tulong sa higit 200 pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. Tatalon noong nakaraang buwan.
Bukod sa tulong pinansiyal, namahagi rin ang senador ng grocery items, sapatos at bag para sa mga bata, bola ng basketball at tungkod sa mga matatandang nasunugan. | ulat ni Merry Ann Bastasa