Naniniwala si Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat lang masampahan ng kasong administratibo ang mga opsiyal at tauhan na sangkot sa naging aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), noong January 1.
Ito ay matapos ilabas ng Senate Committee on Public Services ang report nito tungkol sa NAIA air traffic glitch, na nagsasabing walang naganap na pananabotahe o cyber attack sa naturang insidente.
Giit ni Pimentel, maaaring walang criminal liability na maikokonsidera sa mga opisyal o tauhan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at NAIA, pero may nakikita siyang administrative liability ng mga ito.
Paliwanag ng senador, may nakitang kapabayaan sa nangyaring problema sa equipment at sa kawalan ng fool proof system na nakalatag sa mga katulad na emergency situation o kung meron man ay hindi ito nasunod.
Sinabi ng mambabatas na dapat may managot sa nangyari.
Hindi aniya maaaring ang rekomendasyon lang ay bumili o mag upgrade ng kagamitan dahil kung wala namang maayos na maintenance ng mga ito ay mawawalang saysay rin ito. | ulat ni Nimfa Asuncion