Umapela ni Senador Francis Tolentino sa Commission on Elections (COMELEC) na i-delay ang naka schedule na simula ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo para sa October 2023 Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE).
Nakatakda na kasi sa Hulyo ang filing ng COC habang ang nais naman ng senador ay gawin na lang ito sa Agosto.
Paliwanag ni Tolentino, ang mas maagang paghahain ng COC ay magpapahirap lang sa mga lokal na pamahalaan dahil sa mga election-related restrictions na nakasaad sa Omnibus Election Code.
Kasama na aniya dito ang pagpapatupad ng mga ban, gaya ng ban sa employment at ban sa construction.
Dinagdag rin ng mambabatas na kasama rin ng mas maagang filing ng COC ang gastos para sa pambansang pulisya dahil mas mapapaaga rin ang paglalatag nila ng mga checkpoint.
Para kay Tolentino, patas lang na i-adjust ang panahon ng filing period lalo na’t sampung araw lang naman ang pangangampanyang ibinibigay para sa mga tumatakbo sa BSKE at isasagawa naman ang halalan sa huling linggo ng Oktubre 2023. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion