Pinayuhan ni House Speaker Martin Romualdez si Negros Oriental 3rd district Representative Arnulfo “Arnie” Teves na umuwi na ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Paalala ni Romualdez, hanggang March 9 lamang ang ibinigay na travel authority ng Kamara kay Teves para sa kanyang biyahe pa-Amerika.
‘I advise Rep. Arnie Teves to come back to the country as soon as possible. His authority to travel to the United States is covered only by the period February 28 to March 9, 2023. Clearly, the TA of Rep. Teves has expired effective today. His travel outside the country beyond the period mentioned is no longer authorized by the House of Representatives,” ani Romualdez.
Una nang kinumpirma ni House Secretary General Reginald Velasco na humingi ng extension si Teves para sa kaniyang Travel Authority ng hanggang April 9.
Ngunit hindi ito naaprubahan dahil batay sa panuntunan ng Kamara, kailangan nakasaad kung nasaang lugar magtutungo ang mambabatas.
“May request siya na hanggang April 9, pero hindi valid yung request until you will specify the countryβ¦sinabi namin yung House Rules na kailangan naka-specify yung country and then the specific date in that country.” ani Velasco.
Naniniwala si Romualdez na makabubuti na umuwi na si Teves para harapin ang pagkakadawit sa kanyang pangalan sa pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Maganda aniya na marinig ang panig ni Teves hinggil sa isyu.
Ayon pa sa House leader, maraming buhay na ang nawala maliban kay Gov. Degamo.
Umamin na rin aniya ang mga nahuling salarin sa partisipasyon nila sa krimen.
Pagtitiyak naman nito na hindi titigil ang pamahalaan para kilalanin at papanagutin ang mga nasa likod ng brutal na krimeng ito. | ulat ni Kathleen Forbes