Simula sa Lunes, March 13 ay pansamantalang ililipat muna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Step 1 o screening process nito para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa QC-X Building ng Quezon Memorial Circle.
Ayon sa DSWD, ito ay para magbigay daan sa pagsasaayos ng kanilang pasilidad sa Central Office para sa mga humihingi ng tulong.
Sa Step 1 kadalasang isinagawa ang initial screening ng mga dokumento, at pagbibigay ng appointment schedules sa mga pumipila.
Ngayon palang may mga nakapaskil nang tarpaulin para abisuhan ang mga pumipila sa bagong temporary site.
Tatanggap ang DSWD ng mga kliyente sa naturang temporary site ng alas-5 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.
Hinikayat naman ng DSWD ang iba pang kliyente na bukod sa Central Office ay maaari rin silang pumila sa mga DSWD Field Offices at iba pang satellite offices. | ulat ni Merry Ann Bastasa