Mainit na tinanggap ng mga residente ng Kabankalan City, Negros Occidental si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa selebrasyon ng 116th founding anniversary at tourism recovery jumpstart ng lungsod sa Kabankalan City Cultural Center ngayong hapon.
Ayon sa Bise Presidente, ikinagagalak nito ang mainit na pagtanggap ng mga taga-Kabankalan sa pamumuno ni Mayor Benjie Miranda.
Si Mayor Miranda ay isang malapit na kaalyado ng mga Duterte kung saan pinasalamatan rin ng Bise Presidente ang mga Kabankalon sa suporta nila mula noong 2016 nang umupo si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kaniyang mensahe bilang keynote speaker sa selebrasyon, mahalaga ayon sa opisyal na sa pagpapalakas ng turismo ay ang pag-institutionalize ng mga programa sa pamamagitan ng mga partnership at pagbuo ng mga tourism campaign programs.
Bukas naman ang tanggapan ng Bise Presidente para tulungan ang mga taga-Kabankalan para sa tourism recovery plan nila sa pamamagitan ng kanilang program sa OVP na mag-negosyo kung saan nagbibigay sila ng grants.
Sa pagbisita ng opisyal sa Kabankalan, pinangunahan rin nito ang oathtaking ng mga opisyal ng kakabuong Kabankalan City Tourism Council.
Inilunsad rin ng siyudad ang tourism campaign nilang #ThisTimeExperienceKabankalanNow na naglalayong palakasin ang turismo at ekonomiya ng lungsod makalipas ang ilang taong restrictions dahil sa COVID-19 pandemic.
Hangad ni Vice President Sara Duterte ang patuloy na pag-unlad ng syudad ng Kabankalan.
Nagpapasalamat naman si Mayor Benjie Miranda sa Bise Presidente sa pagpapaunlak nito sa kaniyang imbitasyon kung saan mas naging makabuluhan ang selebrasyon ng 116th founding anniversary ng lungsod. | ulat ni Paul Tarrosa | RP1 Iloilo