Ipinapanukala ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan na gawing regular na empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga staff na nagpapatupad at namamahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa ilalim ng kanyang House Bill 7410, gagawan ng bagong plantilla position sa DSWD upang maging regular na empleyado ang mga 4Ps staff.
Dito bubuo ng panibagong opisina na nakatuon sa pagpapatupad ng 4Ps sa regional, provincial, at city o municipal level.
Ayon sa mambabatas, hindi makatwiran na mismong ang mga tao sa frontline na tumutulong at nagpapatupad ng anti-poverty program ng pamahalaan ay sila mismong naghihirap din dahil sa pagiging contractual employee.
Aniya, wala silang security of tenure, social security protection, o kahit benepisyo.
“Ang ating field implementers po ang humaharap at nag-aasikaso sa mga benepisyaryo ng 4Ps program ng DSWD ngunit sa kabila nito ay contractual employees lamang sila. Mahalaga sa akin na maibigay ang nararapat na pag-alaga sa kanila kaya naghain ako ng panukala upang sila ay ma-permanente at mabigyan ng karampatang benepisyo,” saad ni Libanan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes