Binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros na ang inilabas na Warrant of Arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Russian President Vladimir Putin ay isang malakas na mensahe sa global community na hindi papalampasin ang war crimes, genocide, at crimes against humanity.
Sa kabila ng paggiit ng Moscow na walang bisa ang Warrant of Arrest dahil hindi sila miyembro ng ICC, pinaliwanag ni Hontiveros na ang mga member-state ng ICC ay obligadong arestuhin ang mga magagawaran ng Arrest Warrant sakaling tumuntong ito sa mga teritoryo ng isang bansang kasapi ng ICC.
Sa pamamagitan aniya nito ay malilimitahan na ang kilos ng pinapaaresto.
Umaasa naman ang senador na may makukuhang leksyon mula sa hakbang na ito ng ICC.
Dapat na rin aniya itong magsilbing babala sa mga humaharang na mabigyan ng hustisya ang mga umano’y biktima ng state-sponsored abuses, kabilang na ang aniya’y ikinasang drug war ng nakaraang administrasyon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion