Tuloy-tuloy pa rin ang COVID-19 vaccination sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan — available pa rin ang pagbabakuna sa mga health center sa lungsod.
Gayunman, aminado si Abante na medyo mababa na ang mga nakalipas na “turnouts” o bilang ng mga nagpapabakuna lalo na ng booster shots.
Sinabi naman ni Dr. Arnold Pangan, ang hepe ng Manila Health Department — palaos na ang COVID-19.
Pero hindi naman aniya nagbabago ang apela ng Manila LGU sa mga Manileño at publiko na kung hindi pa bakunado, huwag nang sayangin ang pagkakataon na magpaturok.
Ito ay para sa kaligtasan nila, at ng kani-kanilang pamilya.
Batay sa huling tala, nasa 20 na lamang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Maynila.
Sa ngayon, ani Dr. Pangan, naka-focus sila sa mga regular service sa mga health center gaya ng consultation, vaccination para sa ibang sakit, free lab testing, free ECG, ultrasound para sa mga buntis at iba pa. | ulat ni Lorenz Tanjoco